-- Advertisements --

NAGA CITY- Sugatan ang isang lolo matapos na pagsasaksakin ng sarili nitong kapatid sa Barangay San Vicente, General Luna, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Efren Mermilo Rocero, 61-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na nakatanggap ng report ang General Luna PNP mula sa isang concerned citizen hinggil sa pagkakaroon aniya ng suntukan sa bahay ni Efren.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na habang nag-iinuman ang biktima at ang kapatid nito na si Domingo Mermilo Rocero, 65-anyos, nang bigla na lang nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa na nagresulta sa panununtok at kalauna’y pananaksak ni Domingo kay Efren.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa kanyang kaliwang balikat ang biktima na agad naman na dinala sa ospital para sa asistensya medical.

Matapos ang insidente, nagtangka pa umanong tumakas si Domingo ngunit naaresto rin agad ng mga rumesponding pulis.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.