-- Advertisements --

Nangailangan ang Portland Trail Blazers ng apat na overtimes bagong tuluyang naigupo ang Denver Nuggets, 140-137, sa Game 3 ng kanilang NBA Western Conference semifinals.

Dahil dito abanse na ngayon ang Blazers 2-1 sa serye.

Sa tagal ng laro bago natapos, tinawag tuloy itong “longest game in NBA playoff history.”

Ito rin ang unang four-overtime playoff game mula taong 1953.

Nagsilbi namang bayani si Rodney Hood para sa Portland matapos na maibuslo niya ang pitong puntos sa loob ng huling 1:07 minuto.

Nang maipasok naman ni Hood ang 3-pointer para ibigay sa Blazers ang 138-136 kalamangan na may 18.6 seconds ang nalalabi sa fourth overtime

meron pa sanang tiyansa ang Nuggets pero si Nikola Jokic ay nabigong maipasok ang isa sa dalawang free-throw attempts, 5.6 seconds na lamang sa game.

Sa muling paghawak ng bola, nagawa namang maipasok ni Jokic ang isa sa dalawang free throw pero huli na ang lahat nang maselyuhan ni Seth Curry ng Blazers ang dalawa nilang free throws.

Samantala si Jokic ay inabot ng 65 minutes ang pagkakababad sa court bilang pinakamatagal sa isang player mula pa taong 1953.

Halos dalawang minuto na lang sana ay nalampasan niya ang record sa NBA playoff game na pinakamatagal ang inilaro.

Ang 7-foot center ay nagrehistro rin ng kanyang ikatlong triple-double performance sa playoffs nang iposte ang 33 points, 18 rebounds at 14 assists.

Nanguna naman si CJ McCollum sa kanyang 41 points makaraang abutin ng 60 minutes ang kanyang inilaro.

nikola jokic 1
Nuggets 7-foot center Nikola Jokic (photo from @nuggets)

Hindi rin nagpahuli si Damian Lillard sa kanyang 28 points para ibigay sa Portland ang ika-12 winning streak sa mismong kanilang homecourt.

Aminado si Lillard na kakaiba ang kanilang inilaro na kailangan na dumaan sa butas ng karayom bago ang panalo.

“That was the craziest game I’ve ever been a part of,” ani Lillard.

Para naman kay Nuggets coach Michael Malone wala na siyang hihilingin pa sa kanyang players dahil hindi sila sumurender at lumaban ng husto.

“We fought, we fought, we fought. That’s all you can ask for,” giit pa ni Malone. “But that was a hell of a basketball game by two very good basketball teams.”

Sa Lunes ay muling maghaharap ang magkaribal sa teritoryo muli ng Portland.