CAGAYAN DE ORO CITY – Umaasa si Pangulong Ferdinand Marcos na magdadala pa ng karagdagang economic activities sa mga residente ng Mindanao ang kabubukas lang na multi-billion peso na halaga ng tulay na nagdugtong sa bayan ng Tubod,Lanao del Norte at Tangub City ng Misamis Occidental.
Kasunod ito ng pangunguna ni Marcos nang pagsinaya ng Panguil Bay Bridge na kasalukuyang itinuring na pinakamataas na tulay sa Mindanao.
Sinabi ng pangulo na dumaan man ng maraming pagsubok ang Panguil Bay Bridge simula taong 1998, subalit nakamtan na rin sa bandang huli ang tagumpay para sa mga residente sa bahagi ng Northern Mindanao.
Magugunitang ang nasabing tulay na may haba na higit 3.169 kilometro ay nasimulan ang pagtrabaho sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at natapos sa administrasyon ni Marcos.
Napag-alaman na ang nabanggit na tulay ay bunga ng loan program ng Philippine at South Korean government na pinondohan ng halos P8 bilyon piso.