Idineklara ngayon ng Pentagon o US Defense Department na dakong alas-3:29 kaninang madaling araw oras sa Pilipinas nang huling umalis sa Kabul airport ang C-17 cargo plane ng Amerika.
Iniulat ni Central Command commander at Marine Corps Gen. Kenneth McKenzie Jr., dito na raw nagtatapos ang tinaguriang “longest war” ng Estados Unidos sa Afghanistan nang umalis ang C-17 aircraft nila.
Kung maalala huling sinalakay ng Amerika ang Afghanistan matapos ang September 11, 2001 upang tugisin ang nasa likod ng terrorist attack sa Twin Towers sa New York at iba pa.
Sa 20 taon na pananatili sa Afghanistan umaabot sa 2,461 US service members at civilians ang nasawi habang 20,000 naman ang sugatan.
Noong nakaraang linggo lamang 13 pang service members ang napatay ng ISIS-K suicide bomber.
Sa dalawang dekada na pananatili ng Amerika sa Afghanistan gumastos ito ng $2 trillion pero sa huli nitong buwan ng Agosto ay naagaw muli ng Taliban ang gobyerno na tinulungang itatag ng Amerika.
Agad namang nilinaw ni Gen. McKenzie na wala ng naiwan pa na mga US citizens sa Kabul.
Maging sundalong Amerikano kahit isa man ay wala ng naiwan pa sa Afghanistan.
Sa huling limang biyahe raw ng kanilang mga eroplano ay wala ng sakay na mga US citizens.
“There were no evacuees left when the last US flight left,” ani Gen. McKenzie. “Every single US service member is now out of Afghanistan.”
Pero una nang inamin ng White House at iba pang opisyal na posibleng may ilan pa ring naiipit silang kababayan doon.
Samanatala, umaabot naman sa 122,000 katao ang nailikas sa Afghanistan mula nang simulan ang pinakamalaki at massive evacuation matapos na masakop ng militanteng Taliban ang gobyerno ng naturang bansa.
Tinawag ang katatapos na operasyon ng Amerika bilang “largest non-combatant evacuation” sa military history ng Amerika.
Sa ulat ng White House, sa naturang bilang 80,000 ang inilikas nila kung saan nasa 6,000 dito ay US citizens ang matagumpay na nailabas sa Kabul.
Ang mahigit naman 20,000 mga inilikas ay ginawa ng ilan pang mga bansa.
Sa report naman ng Pentagon aabot sa 17 flights ang nagbiyahe mula sa Kabul airport upang ilikas ang huling 3,700 katao kung saan karamihan sa mga ito ay mga Afghans at dinala sila sa Washington DC at sa estado ng Philadelphia.
Nito lamang nakalipas na magdamag meron pang 1,200 ang bago lamang nailipad papalabas ng Afghanistan.
Sakay ang mga ito sa 26 na military aircraft at dalawang civilian flights.
Ang pagkompleto ngayong araw ng withdrawal ay unang deadline na itinakda ni US President Joe Biden sa kanilang tropa na siya ring kahilingan ng Taliban.
Ang iba pang mga bansa, tulad ng France, Germany, United kingdom, Turkey, Japan, at iba pa ay una nang tinapos ang kanilang evacuation efforts.