Inaresto ng mga otoridad ang nagsilbi umanong “lookout” ng drug-queen na si Guia Gomez Castro sa Sampaloc, Manila kagabi.
Nahuli ang naturang suspek sa Barangay 484 kung saan nagsilbing barangay chairperson si Castro. Ito rin umano ang itinuturong nagpapatakbo ng iligal na bentahan ng droga habang nasa pwesto pa ang drug-queen.
Nasabat sa suspek ang apat na plastic sachets na naglalaman ng shabu.
Ayon kay Police Lt. Col. Robert Domingo, hepe ng Sampaloc Police Station, binili at muling ibinenta umano ni Castro ang droga mula sa isang ninja cop o opisyal na nagre-recycle rin ng nasabat na droga mula sa mga buy-bust operations ng kapulisan.
Dagdag pa nito, nag-invest din umano si Castro ng malaking halaga ng pera upang magkaroon ng koneksyon sa gobyerno at nagawa rin daw nitong mamigay ng kotse.
Una nang naaresto si Castro noong 2001 dahil sa illegal possession of drugs ngunit kaagad naibasura ang nasabing kaso.
Kinumpirma naman ng Bureau of Immigration na nakalabas ng bansa si Castro at nagtungo sa Bangkok. Mariin namang pinabulaanan ng mga kaanak nito ang mga alegasyon laban sa kaniya.