Hinihintay na lamang umano ng Department of Justice (DoJ) ang request para ilagay na sa lookout bulletin order (LBO) ang walong kataong sangkot sa sinasabing maling paggamit sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) response fund.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, kailangan daw kasing mayroon munang request bago niya niya pipirmahan ng LBO.
Gayunman, aminado naman si Guevarra na hindi ito sigurado sa pagkakasangkot o koneksiyon ng mga sa top medical supplier na sangkot sa maanomalyang deal.
“The DOJ will issue an immigration lookout bulletin order (ILBO) against anyone upon receipt of a proper request from a person in interest, more so from a co-equal branch of government,” ani Guevarra.
Ang pahayag ng kalihim ay kasunod na rin ng rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee members na ilagay sa immigration watchlist sina dating presidential adviser Michael Yang na umano’y mayroong link sa Pharmally Pharmaceutical Corp., isang local company na nakakuha sa pinakamalaking supply contracts para sa mga medical supplies sa pamahalaan.
Ang hakbang ng senado ay dahil na rin sa kabiguan ni Yang na dumalo sa pagdinig ng Senado.
Pero ayon kay Atty. Raymond Fortun, sinabi raw ng doktor ni Yang na kailangang magpahinga ang kanyang kliyente ng limang araw dahil sa “hypertensive urgency.”