-- Advertisements --


Bumalik na uli ang sigla ng ekonomiya ng Pilipinas makalipas ang dalawang taon na nasa ilalim ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) pandemic ang bansa.

Ayon kay Department of Trade and Industry Sec. Ramon Lopez, dahil sa pagluwag sa alert level status sa mga nakalipas na buwan ay nakakabalik na sa “pre-pandemic volume” ang dami ng tao sa mga pamilihan nitong weekend lamang.

Ganito na rin aniya ang sitwasyon talaga magmula nang nagbaba ng alert level sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa kabila nito at dahil pa rin sa banta ng COVID-19 pandemic, nakikita ni Lopez na posibleng hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte tatagal ang Alert Level 1 sa bansa.

Ipinapaalala lamang ng kalihim na kahit maluwag na ang galaw ng publiko sa kasalukuyan, kailangan pa rin ng vaccination card sa tuwing papasok sa mga indoor establishment.