Aminado si Defense Secretary Delfin Lorenzana na kapwa may pagkakamali ang mga sundalo at pulis sa nangyaring madugong misencounter sa Samar na ikinasawi ng anim na pulis habang siyam ang sugatan.
Sa mensahe ni Lorenzana kaniyang sinabi na parehong may pagkukulang ang dalawang kampo.
Kaya ito ang dapat matukoy sa resulta ng imbestigasyon.
Inihayag din nito na sana nagtaka rin ang mga sundalo kung bakit ang daming armadong grupo ang kanilang nakita.
Aniya, bilang isang opisyal na nangunguna sa operasyon dapat magkaroon ka ng sound judgement at tukuyin kung sino at anong grupo ang kanilang namataan.
Ilan sa mga opisyal ng militar na tumangging magpakilala,ang nagpahayag ng kanilang personal opinion kaugnay sa nangyaring misencounter na bago mo pa naman iputok ang bitbit mong armas dapat batid mo kung sino ang target at kung totoong mga threat groups ang mga ito, dito mo na ipapatupad ang kaukulang pwersa.
Mahalaga ang magiging wise judgement ng isang opisyal lalo na kung nangunguna ito sa isang combat operation.
“For a leader maturity makes a difference in making a decision because we are not into a business of killing our own people but rather in protecting them, Our Countrymen,” pahayag ng isang Army combat officer.
Binigyang-diin naman ng kalihim, hindi naman sinasadya ang nangyari at patuloy pa rin ang joint investigation ng PNP at AFP.
Nauna nang sinabi ng Board of Inquiry (BOI) ng AFP na may posibleng paglabag sa standard operating procedure kaya nangyari ang misencounter.