-- Advertisements --

Nawalan na umano ng tiwala at kumpiyansa si Defense Secretary Delfin Lorenzana kay dating Philipine Navy flag officer-in-command Vice Admiral Ronald Joseph Mercado dahilan na sinibak nito sa kaniyang pwesto kahapon.

Aniya, hindi niya nagustuhan ang mga aksiyon na ginagawa ni Mercado at isa lang umano ang ibig sabihin nito na “insubordination.”

Idinepensa naman ni Lorenzana ang biglaang pagkakasibak sa pwesto kay Mercado at kung bakit hindi man lamang binigyan ng kaukulang turn over ceremony.

Aniya, maaari namang gawin ang biglaang pagtanggal sa pwesto kay Mercado na walang formal turn over of command.

Giit nito na kailangan na nilang alisin sa pwesto ang FOIC dahil nade-delay na ang kanilang proyekto.

Mismong ang mga nasa acquisition team daw ay nagrereklamo na sa kaniya.

DND Sec. Delfin Lorenzana

Paliwanag pa ni Lorenzana, apat na buwan ng delay ang proyekto at target nilang matapos at magamit na ng Philippine Navy ang dalawang warship makalipas ang tatlong taon. Tatlong taon kasi ang proyekto.

Ibulgar pa ng kalihim, nagsasagawa ng “forum hopping” si Mercado at dito niya sinasabi na dismayado siya sa proyekto dahil ang gusto nitong ilagay sa bagong biling frigates o warship ay ang Talis system.

Sinabi ni Lorenzana na ang Talis system ay isang  proven technology kaya ipinipilit ni Mercado.

Binigyang linaw din ng kalihim na hindi nila iniimbestigahan si Mercado at wala itong kinasasangkutang anomalya sa AFP.

Giit nito na ayaw niya sanang tanggalin sa pwesto si Mercado at baka maaari pa itong pag-usapan. Sa sunod na taon ay magreretiro na rin si Mercado.

Sa ngayon itinalagang acting FOIC si Rear Admiral Robert Empedrad na miyembro ng PMA class 1986.

“The reason behind is that as the defense secretary I lost trust and confidence and his integrity as a leader. I questioned his intention behind his fixation,” pahayag pa ni Lorenzana.