Paiigtingin umano ng AFP ang kanilang pagbabantay para sa posibleng pag-atake ng Communist Party of the Philippines (CPP) kaugnay sa kanilang ika-52 anibersaryo sa Disyembre 26.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, tuloy-tuloy lamang ang operasyon ng militar laban sa mga komunista.
“Walang pagbabago, medyo paigtingin lang siguro nang konti iyan habang papalapit iyong anibersaryo ng CPP-NPA-NDF sa 26 December,” wika ni Lorenzana.
“Gumagawa sila ng mga karahasan para siguro ipakita sa lahat ng tao na sila ay nandiyan pa; hindi pa sila nawawala.”
Kung maaalala, noong Lunes nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala nang mangyayaring tigil-putukan sa pagitan ng gobyerno at ng mga rebelde hanggang sa matapos ang kanyang termino.
Kapwa namang naghayag ng kanilang suporta ang AFP at PNP sa pasya ng commander-in-chief.
Hindi naman kumbinsido si Lorenzana na masasabi nang all-out war ang naging pahayag ng Pangulong Duterte.
Sa panig naman ng mga rebelde, sinabi ni CPP information officer Marco Valbuena na hindi pa naglalabas ng pasya ang Central Committee kung magdedeklara ito ng ceasefire para sa holiday season.
Posible aniya na lumabas ang naturang desisyon isang linggo bago ang Pasko.