Positibong tinanggap ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang “C” ranking ng Pilipinas sa Defense Integrity Index ng Transparency International.
Ang Defense Integrity index ay sukat ng antas ng korapsyon sa Defense Establishment ng mga bansa kung saan ang “Band A” ang may “very low risk of corruption” at ang “Band F” ang may “critical risk of corruption.”
Ayon sa kalihim, kasama ng Pilipinas ang Estados Unidos, Canada, Australia at South Korea sa “Band C” na may “moderate risk of corruption”.
Ang Pilipinas lang aniya at ang Singapore ang mga bansa sa Association of Southeast Asian Nations na nakasama sa “Band C.”
Naniniwala si Lorenzana na malaking tulong ang kanilang ipinatupad na Defense System of Management gayundin sa transparency at accountability sa procurement process sa nakuhang rating ng Pilipinas.
Gayunman, may mga kailangan lang na linawin sa naturang report kung saan ikokonsidera pa rin nila ang mga rekomendasyon para mas mapahusay ang mga mekanismo at proseso tungo sa tuluyang pag-alis ang korapsyon sa Defense sector.