Nanawagan si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa mga human rights advocates at sa mga tinawag nitong kalaban na hintayin muna ang imbestigasyon kaugnay sa nangyaring pagkamatay ng siyam na mga aktibista sa police operations sa Calabarzon Region noong weekend.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Lorenzana na hindi raw mangingialam sa imbestigasyon ang AFP at ang PNP.
“Let’s wait for the results of the investigation that will be done by the National Bureau of Investigation to ensure impartiality,” ani Lorenzana.
Giit din ni Lorenzana, abangan daw muna ang magiging resulta ng imbestigasyon bago idulog ang isyu sa international platform.
Bago pa man daw kasi magsimula ang pormal na imbestigasyon, iniulat na raw ng mga human rights advocates ang nangyari sa United Nations Human Rights Commission.
“Siguro hintayin muna natin ‘yung imbestigasyon dito sa atin bago natin isuplong,” anang kalihim.
Una nang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na iimbestigahan ng pamahalaan ang pagkamatay ng mga aktibista, na pangungunahan ni Justice Secretary Menardo Guevarra.