-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kailangang magkaroon ng komprehensibong review sa Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas lalo sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.

Ginawa ng kalihim ang pahayag kasabay ng paggunita ng ika-70 anibersaryo ng MDT ngayong araw.

Si Sec. Lorenzana ay nasa Washington para sa nasabing okasyon at may pulong ito sa mga US officials.

Sinabi ni Sec. Lorenzana na mas marami pa ang nakukuhang tulong ng mga non-treay allies ng US kaysa Pilipinas kaya kailangan ng pag-upgrade at update sa alyansa para linawin kung hanggang saan talaga ang commitment ng Amerika.

Ayon kay Lorenzana, ito ang dahilan kaya pito sa 10 Pilipino ang sumusuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte sa posisyon nitong daanin sa diplomasya at dialogue imbes na komprontasyon ang territorial dispute ng Pilipinas sa China habang mahigit kalahati naman daw sa mga Pilipino ang dudang maaasahan talaga ang US bilang kaalyado sa West Philippine Sea disputes.

Iginiit ng Defense official na kinakailangang mag-evolve o maging angkop ang kasunduan sa mga pagbabago sa geo-politics lalo na ang paglakas ng pwersa at impluwensya ng China.

Ipinarating din ni Lorenzana ang reklamo ni Pangulong Duterte na pag-aatubili ng US na mag-supply ng state-of-the-art na armas sa Pilipinas gayung ang mga hindi naman treaty allies ng US ay nakakatanggap nga ng billion-dollar military aid at advanced weapons systems.