Ikinadismaya ng Los Angeles Clippers ang tuluyang ‘pagtanggal’ kay 2-time NBA champion Kawhi Leonard sa Team USA na sasabak sa nalalapit na Paris Olympics.
Matatandaang naglabas ang USA Basketball ng isang statement na napagkasunduan nito at ng Clippers management na palitan na muna si Kawhi upang bigyang daan ang paghahanda nito para sa nalalapit na 2024-2025 season ng NBA.
Pero agad ding naglabas ng statement si Clippers president of basketball operations Lawrence Frank na nadismaya ang koponan sa naging hakbang ng Team USA.
Ayon kay Frank, ninais ni Kawhi na maglaro at may basbas din dito ang koponan.
Sumama rin umano siya sa unang dalawang practice na ginawa ng koponan at nakita niya ang partisipasyon ng batikang basketbolista.
Ayon kay Frank, sa ikatlong team practice ay hindi na niya nakita ang naging kaganapan, ngunit tuluyan na ring tinanggal dito si Kawhi.
Nagpumilit din umano siya sa koponan na bigyan pa ng mas mahabang panahon ang 2-time Defensive Player of the Year awardee, lalo na aniya at matagal itong naghanda para sa Olympics.
Matatandaang ipinalit sa batikang player ang bagong NBA Champion na si Derrick White ng Boston Celtics.
Bago nito ay marami ang kumukuwestyon sa kalusugan ni Kawhi dahil na rin sa hindi nito natapos ang huling walong games ng nakalipas na season dahil sa kaniyang kanang tuhod.
Noong playoffs, nakabalik siya at naglaro sa Game 2 at Game 3 kontra Dallas Mavericks ngunit hindi rin nagtagal.
Sa kasalukuyan, kumpleto na ang Team USA na sasabak sa Paris Olympics, sa pangunguna ni Golden State Warriors head coach Steve Kerr.