-- Advertisements --

Patay matapos pagbabarilin si Los Baños, Laguna Mayor Caesar Perez nitong Huwebes ng gabi.

Sa imbestigasyon ng kapulisan, kagagaling lamang ng alkalde sa isang public spa malapit sa municipal hall compound at habang naglalakad ito pabalik sa receiving area ng munisipyo ay nilapitan ito ng dalawang lalaki dakong alas-8:45 ng gabi.

Mayor Perez
Los Baños Mayor Caesar Perez

Dalawang beses itong binaril sa ulo at mabilis na tumakas ang mga hindi nakilalang mga suspek.

Dinala pa ito sa HealthServ Medical Center sa Los Baños subalit binawian din ito ng buhay.

Ang alkalde na dating vice governor ng Laguna ay isa sa pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte noon na sangkot daw sa iligal na droga na mariin namang itinanggi ng alkalde.

Noon ding Mayo 2017 ay napatay matapos pagbabarilin ang nakakabatang kapatid nitong si Ruel Perez, 48, habang lulan ng motorsiklo sa Barangay Maahas.

Sa ngayon ay puspusan na ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng mga kapulisan sa nasabing insidente.