Agad na bumuhos ang panghihinayang ng mga fans at supporters ng Los Angeles Lakers matapos kumpirmahin ni Avery Bradley ang kanyang pag-atras sa restart ng NBA games sa susunod na buwan.
Una nang idinahilan ni Bradley na ang hindi niya pagsama sa team patungong Orlando, Florida ay dahil mas nanaisin niyang makasama ang kanyang misis at tatlong anak.
Ang kanyang anim na taong gulang na anak ay dumaranas din ng respiratory illnesses.
Para naman sa mga observers malaking kawalan si Bradley sa Lakers dahil sa matindi rin ito bilang perimeter defender.
Liban dito, may kontribusyon din siya sa puntos at sa rebounds.
Maging ang dating Lakers president at NBA legend na si Earvin “Magic” Johnson ay nagsabing mahihirapan na ang koponan na masungkit pa ang kampeonato.
“Losing Avery Bradley is a tough loss and will make it more difficult for them to win the NBA championship,” ani Johnson sa kanyang Twitter account.
Sa ngayon umugong naman ang impormasyon na target ng Lakers na ipalit kay Avery ay ang free agent na si JR Smith na dating kasama ni LeBron James sa Cleveland Cavaliers.