(Update) Balik normal na ang lotto game operation ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ito ay matapos alisin na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspension order na ipinataw noong Biyernes, Hulyo 26.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, na epektibo agad nitong Martes ng gabi, Hulyo 30 ang pagbabalik ng lotto operation.
Nilinaw ni Panelo na mananatiling suspendido pa rin ang Small-Town Lottery (STL), Keno at Peryahan ng Bayan (PNB) hanggang hindi pa natatapos ang isinasagawang imbestigasyon sa alegasyon ng iligal na aktibidad at korapsyon.
“The rest of all gaming operations with franchises, licenses or permits granted by the Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), such as Small-Town Lottery (STL), Keno and Peryahan ng Bayan (PNB), shall remain suspended pending the investigation of illegal activities and corrupt practices related thereto and until the Office of the President evaluates the results of said probe,” ani Sec. Panelo. “Franchise holders and operators of lotto outlets may now resume with their operations. The lifting of the suspension of lotto operations takes effect immediately.”
Magugunitang mula ng suspendihin ng Pangulo ang operasyon ng lotto dahil sa korapsyon ay inalmahan ng mga lotto franchise operators.
Ayon sa Philippine Online Agents Associations Inc. (POLAI) nadamay lamang ang lotto sa nagaganap na korapsyon daw sa STL at PNB.