-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Magsisimula na ngayong Biyernes, Abril 28 ang tatlong araw na event na nakasentro sa environmental protection and preservation at health and wellness sa tinatawag na “Love Boracay” na magtatagal hanggang Mayo 1, 2023.

Ang Love Boracay ay sinimulan noong 2019 ng Boracay Inter-Agency Task Force kasama ang Boracay stakeholders bilang kapalit sa LaBoracay na nakilala dahil sa magdamagang beach parties at humahakot ng libu-libong mga turista.

Ayon kay Malay Tourism Officer Felix delos Santos ang Love Boracay ay serye ng mga aktibidad kaugnay sa pangangalaga ng kalikasan na naglalayong mabalanse ang pag-unlad ng turismo at pag-preserba sa kagandahan ng isla.

Ilan sa mga nakalatag na aktibidad ay ang Pinta Layag Festival sa frontbeach; Ati-Atihan Festival, Project Prestine, isang clean-up drive sa baybayin ng isla na lalahukan ng iba’t-ibang frontliners association na susundan ng parade of sea and aqua sports assets at open dance contest.

Sa Abril 29, magkakaroon ng isang family fun run for mental wellness na pangungunahan ni Miss Universe 1999 1st runner-up Mirriam Quiambao at pagkatapos ay ang pagsasagawa ng beach sports katulad ng soccer, volleyball at frisbee. Magkakaroon rin ng music and arts festival na susundan ng summer night party.

Sa Abril 30, nakatakda ang bike race. Magkakaroon rin ng Hurma Baeas competition upang mai-showcase ang sand castle na isa sa mga atraksyon sa isla at ang Crystal Kayak Photo competition.

Simula ngayong 2023, ang LGU-Malay na ang namamahala ng Love Boracay.

Dagdag pa ni Aguirre na magtutuloy-tuloy ang iba pang aktibidad kaugnay sa Love Boracay sa Fiesta de Obrero ang kapistahan ng bayan ng Malay.