Nagsagawa ng raid ang National Bureau of Investigation (NBI) sa isang scam hub na nag-ooperate sa isang condominium sa Makati City nitong Martes.
Naaktuhan mismo ni NBI Director Jaime Santiago ang paggamit sa AI para makapanlinlang ng mga biktima.
Nadakip dito ang higit 100 Pinoy at isang Chinese na sinasabing supervisor ng mga empleyado.
Na-monitor ng NBI ang modus operandi ng mga scammer dahil sa pagdami ng mga nabibiktima ngayong “love month of February.”
Ang estilo umano ng mga ito ay gagawan ng pambabaeng image kahit ang mga lalaking scammer para makapambiktima ng mga naghahanap ng ka-date.
Maging si NBI Dir. Santiago ay mabilis nagawan ng female version at ito ay mas advance kaysa sa mga dating editing application lamang.
Naniniwala ang ahensya na marami pang kahalintulad nitong modus sa iba pang bahagi ng ating bansa.
Patung-patong na kaso naman ang kakaharapin ng mga nasa likod ng naturang scam hub.