-- Advertisements --

KALIBO, Aklan —- Suportado ng Malay Tourism Office ang bagong slogan ng Department of Tourism (DOT) na “Love the Philippines” na inilunsad kasabay ng 50th anniversary nito noong Martes.

Ayon kay Felix delos Santos, chief tourism officer ng Malay Tourism Office na sa katotohanan ay mayroon na silang slogan na ‘Love Boracay’ na inilunsad noong 2019 pagkatapos isailalim ang isla sa rehabilitasyon.

Malaking tulong aniya ang bagong slogan upang marami pang mahikayat na turista na bibista sa Boracay at sa buong bansa.

Subalit, sinabi ni delos Santos na hindi pa nila magagamit ngayong taon ang bagong slogan sa kanilang mga promotional videos at ipinamimigay na mga brochures dahil may kamahalan ang pag-produce nito.

Upang makasabay, kinakailangan aniya nilang makapagawa ng mga bagong audiovisual presentation gamit ang bagong ‘Love the Philippines’ slogan, kung saan ang pondo para dito ay hindi napabilang sa inilaang 2023 budget ng tanggapan.

Nangangailangan rin umano ito ng konsultasyon sa mga stakeholders at masusing pag-aaral.

Dagdag pa ni delos Santos na naniniwala siyang mas makabubuti sana kung mapanatili ang dating slogan ng DOT katulad ng ginagawa ng mga katabing bansa sa Asya upang mapalakas ang tinatawag na tourism brand recall.