LAOAG CITY – Kinumpirma ni P/Maj. Jephre Taccad, Chief ng Provincial Operation Management Unit ng Ilocos Norte Police Provincial Office na love triangle ang isa sa mga motibo sa pamamaril kay ABC President Mark Adrian “Macky” Barba.
Aniya, lumabas sa imbestigasyon na may ibang babae si Kapitan Barba kung saan may asawa ito.
Kasama raw ng babae si Barba sa isang negosyo at nagkakilala sila dahil dito.
Paliwanag niya, pinaniniwalaang ito ang naging dahilan kung bakit sila nagkaroon ng relasyon.
Kaugnay nito, sinabi ni P/Maj. Taccad na batay sa Special Investigation Task Group, biniberipika nila ang footage ng Close Circuit Television o CCTV camera kung saan nakita nila ang isang puting van na isinumite sa Anti-Cybercrime Unit.
Sabi ni Taccad base kay P/Capt. Randy Damo, hepe ng San Nicolas Municipal Police Station, tumanggi na magkomento ang pamilya ni Barba tungkol sa insidente.
Aniya, nagsasagawa pa rin ng bullet trajectory ang Forensic Unit kung saan tatlong sasakyan ang sangkot sa insidente.
Samantala, sinabi ni Taccad na politically motivated ang pamamaril kay Barangay Chairman Francisco Bagay Jr. ng Brgy. 5 sa bayan ng San Nicolas ayon sa imbestigasyon ng Special Investigation Task Group.
Una rito, pinaslang si Barangay Chairman Bagay Jr. noong Setyembre habang nitong Oktubre lang, binaril din si ABC President Barba kasama ang kanyang dalawang bodyguard.