KORONADAL CITY – Naniniwala ang Integrated Provincial Health Office ng South Cotabato na mababang immunization rate ang dahilan kung bakit bumalik ang sakit na polio sa Pilipinas makaraan ang 19 taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay IPHO Chief Dr Rogelio Aturdido Jr, sinabi nitong isa sa mga nangungunang dahilan ay ang pagbaba ng bilang ng mga magulang na nagpapabakuna sa kanilang mga anak laban sa polio noong nakaraang mga taon.
Batay sa datos na inilabas ng opisyal, nasa 75% lamang ang naitalang nagpabakuna sa halos 26,000 na target na mga kabataan sa South Cotabato na dapat sana’y pababakunahan laban sa iba’t-ibang karamdaman lalo na ang polio noong nakaraang 2018.
Mas mababa aniya ito ng 95% na health immunity upang maprotektahan at maiwasan ang pagkalat ng naturang virus.
Dahil dito, inaanyayahan ni Aturdido na ipabakuna na ng mga magulang ang kanilang mga anak na nasa 5 anyos pababa upang makaiwas sa nasabing sakit.
Pinawi rin nito ang pangamba sa publiko na hindi ito magiging katulad sa Dengvaxia scare dahil matagal na aniyang epektibo ang nasabing paraan upang makaiwas sa polio ang mga bata.