Naitala ngayon ng estado ng New York ang pinakamababang bilang ng mga namatay dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa loob ng isang araw.
Ayon kay Governor Andrew Cuomo, 84 lamang ang nadagdag sa kanilang COVID-19 death toll, na pinakamababa mula noong Marso 24.
“The news is good news,” wika ni Cuomo. “In my head, I was always looking to get under 100.”
Bumaba na rin aniya ang bilang ng mga naoospital, mga na-iintubate, at mga dinadapuan ng nakahahawang sakit.
“It doesn’t do good for any of those 84 families that are feeling the pain,” dagdag nito, “but for me it’s just a sign we are making real progress.”
Noong kasagsagan ng peak ng pandemic sa New York noong Abril, iniuulat ng mga otoridad na pumapalo ng mahigit 1,000 ang bilang ng mga binabawian ng buhay dahil sa sakit kada araw.
Ilang mga bahagi na rin ng estado na nagtala ng mababang bilang ng impeksyon ang nagpatupad ng mas maluwag na restriksyon.
Pero sa New York City na dating virus epicenter sa Estados Unidos, hindi pa rin daw maaaring luwagan ang lockdown restriction.
Mananatiling sarado ang mga beach sa lungsod sa Memorial Day weekend, na karaniwang hudyat ng pag-uumpisa ng summer season sa Amerika.
Pero binuksan naman ang mga beach sa ibang mga bahagi ng estado at maging sa ibang coastal areas, ngunit kailangang tumalima ng mga ito sa physical distancing. (AFP)