-- Advertisements --

Aabot lang sa 849 na bagong COVID-19 infections ang iniulat ng Department of Health (DOH) nitong araw ng Martes, dahilan para umakyat naman ang total case load sa 2,819,341.

Pero nilinaw ng DOH na hindi kasama sa naturang bilang ang datos na bigong makapagsumite ng kanilang data.

Ang bilang ng mga naitalang bagong kaso ng COVID-19 ay pinakamababa mula noong Disyembre 28, 2020.

Ayon sa DOH, ang mababang bilang ng mga naitalang bagong COVID-19 cases ay dahil sa “weekly dip” ng testing output bunsod nang weekend encoding ng positive cases sa COVID-19 Document Repository System.

Gayunman, sa ngayon mayroong 25,464 pang pasyente na nagpapagaling sa sakit, kung saan 59.1 percent dito ay mild, 5.9 percent ang asymptomatic, 11.5 percent ang severe, at 4.9 percent naman ang nasa critical condition.

Tumaas naman sa 2,749,069 ang bilang ng mga gumaling matapos na madagdag ang 2,393 pang pasyente.

Pero ang death toll naman ay pumalo na sa 45,808 kasunod ng 99 new fatalities.

Sa ngayon, ang positivity rate ng bansa ay 3.2 percent na itinuturing din na lowest mula noong April 5, 2020..