-- Advertisements --

Lalo pang bumaba ngayon ang nationwide daily tally ng mga dinapuan ng COVID-19 sa Pilipinas matapos na iulat ng Department of Health (DOH) ang 3,218 na karagdagang kaso.

Ito ang pinakamababa mula noong May 23.

Kaugnay nito, ang mga nahawa sa virus mula noong nakaraang taon sa bansa ay umaabot na sa 2,768,849.

Marami naman ang bagong naitalang gumaling na umaabot sa 6,660.

Ang mga nakarekober sa bansa ay nasa kabuuang 2,676,349 na.

Ang mga aktibong kaso naman ngayon ay lalo pang nabawasan sa 50,152.

Sa kabila nito, umaabot naman sa 271 ang mga nadagdag na pumanaw sa bansa dahil sa deadly virus.

Sinasabing ito ang ika-12 pinakamataas na nai-report sa isang araw ng DOH mula ng magsimula ang pandemya.

Samantala ang kabuuang death toll mula noong nakaraang taon ay nasa 42,348 na.

Mayroon namang isang laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS) ng DOH.

“41 duplicates were removed from the total case count. Of these, 37 are recoveries,” bahagi ng DOH advisory. “Moreover, 227 cases that were previously tagged as recoveries were reclassified as deaths after final validation.”

Samantala, patuloy pa rin naman ang paalala ng DOH na bagama’t bumababa ang mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas nitong mga nakaraang araw, hindi pa rin dapat magkampante ang lahat.

Bagkus, ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards at agad na magpabakuna.