Aminado si PNP chief police Director General Ronald dela Rosa na kanila ng kin-kwestiyun sa ngayon ang loyalty ni PSupt. Ma. Cristina Nobleza na patuloy na ginigiit na siya ay isang deep penetrating agent ng pamahalaan.
Nasabi ito ni Dela Rosa matapos makausap ang police colonel na nakakulong ngayon sa Kampo Crame.
Sinabi ni PNP chief na sa ngayon ay nakakaduda na kung saan na ang loyalty ng police colonel.
Aniya, hirap ng tukuyin ngayon kung ang loyalty ni Nobleza ay sa PNP o sa bandidong Abu Sayyaf.
Ang ginawa ni Nobleza ay hindi na sa sanction ng PNP kundi sariling desisyon na nito.
Si Nobleza ay dating agent ng binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Una ng sinabi ng PNP chief at batay sa kaniyang pakikipag-usap kay Nobleza na ang ginawa niyang pagtungo sa Bohol kasama ang asawang Abu Sayyaf at bomb expert na si Rennour Lou Dongon ay para pabanguhin muli ang pangalan nito sa teroristang grupo.
Hindi naman sinabi ni Dela Rosa kung ano ang dahilan at hindi na nagtitiwala ang ASG kay Dongon.