Agad pumalag ang ilang miyembro ng oposisyon na muling idinawit ng Malacanang sa umano’y ouster plot kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinuna ni Liberal Party (LP) president Sen. Kiko Pangilinan ang paulit-ulit daw na akusasyon ng pamahalaan sa kabila ng kakulangan nito sa mga ebidensya.
“This is the nth time that the administration when confronted with controversy falsely accuses the LP of being involved in ouster plots. Gawa gawa lang ‘yan at nililihis ang usapin sa mga akusasyon laban sa administrayson at mga kaalyado nito,” ani Pangilinan.
Pinayuhan din nito ang gobyerno na imbis na mambintang ay tutukan ang malalaking issue gaya ng kalakaran ng iligal na droga.
Hinamon naman ni Magdalo Cong. Gary Alejano ang palasyo na sampahan siya ng kaso kasama ang LP kung makapaglalabas ito ng katibayan na may sabwatan ang kanilang mga partido para pabagsakin ang pangulo.
“The new ‘matrix’ that Malacañang released is meant to destroy the image of the opposition before the electorate as what the President has been doing in campaign sorties. Do they feel threatened by us to resort to such ludicrous and cowardly acts?,” ani Alejano.
Habang para sa kritiko ng pangulo na si Sen. Antonio Trillanes IV: “Si Duterte ang nagpapatay ng libu libong Pilipino; may bilyung bilyon pisong tagong yaman; gumigiba sa mga democratic institutions; minumura ang Diyos; at nag iimbento ng mga akusasyon sa mga kritiko nya; tapos kami ang nag di-discredit?”
Nagsalita rin ang tagapagsalita ni dating Pangulong Noynoy Aquino na si Edwin Lacierda na minaliit ang bagong matrix ng palasyo.
Sa isang panayam sinabi ni Lacierda na hakbang ito ng gobyerno dahil tila epektibo ang ginagawang kampanya ng opposition candidates para sa halalan.
Ikinumpara pa ng dating spokesperson ang matrix sa isang gradeschool project at kinwestyon ang ginagawang trabaho ng palace officials.
Giit ng Aquino official, hindi patas ang administrasyon dahil sarili lang nito ang pino-protektahan bagamat maging sila sa oposisyon ay inuulan din umano ng maling pambibintang.