-- Advertisements --

LEGAZPI CITY — Hindi pa umano nakakabuo ng pinal na desisyon ang Liberal Party (LP) kaugnay sa magiging sistema sa pagpasok ng 18th Congress.

Kasunod ito ng pahayag ni Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice na mayroon nang napag-usapan ang partido upang mas maging aktibo sa mga diskusyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay CamSur 3rd District Rep. Gabriel Bordado, pinag-iisipan pa sa ngayon ng partido kung mananatili sa dating kalagayan bilang independent minority o babalik sa pag-align sa super majority.

Aminado rin ang kongresista na nangangailangan pa ng konsultasyon ang anumang hakbang ngunit hindi malayo ang posibilidad na malaman ang magiging pinal na pag-uusap sa mga susunod na araw.

Malinaw din aniya ang mga prinsipyo ng LP laban sa death penalty, Charter change at pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao.

Ngunit sa huli, nakadepende pa rin sa interes ng mga nasasakupan sa mga naghihintay na distrito ang dapat masagot ayon kay Bordado.