-- Advertisements --

Posibleng maging ganap na bagyo ang Low-Pressure Area (LPA) na namataan malapit sa Pag-asa Islands sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ito ay posibleng direktang maka-apekto sa bansa.

Sa kabila nito, nanatili namang mababa ang tyansa nitong maging isang ganap na tropical depression sa loob ng 24 oras. Gayunpaman, binabantayan pa rin ng mga state weather bureau dahil sa potensyal nitong paglakas, daan upang maging ganap na bagyo sa susunod pang mga araw.

Sa kasalukuyan, nananatiling nakaka-apekto sa bansa ang tatlong weather system – shear line, intertropical convergence zone (ITCZ) at easterlies.

Nagpapaulan sa malaking bahagi ng Northern Luzon ang shear line o salubungan ng mainit at malamig na hangin, pangunahin na sa Babuyan Island, Batanes, atbpang probinsya.

Ang ITCZ naman ang magdadala ng mabibigat na pag-ulan sa ilang bahagi ng Mindanao, partikular na sa Caraga at Davao region, kasama ang Bukidnon, Camiguin at Misamis Oriental.

Sa Metro Manila at kalapit-probinsya, apektado ang mga ito ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa Pacific Ocean.

Inaasahan namang makaka-apekto sa ilang bahagi ng bansa ang namataang LPA sa mga susunod na araw.