Maliit ang tiyansa na maging bagyo ang namataang low pressure area (LPA) malapit sa Palawan.
Base sa forecast ng state weather bureau, inaasahang mananatili ang LPA sa labas ng area of responsibility ng bansa.
Ayon kay weather specialist Obet Badrina, nasa 260 kilometers west northwest ng Pag-asa island, Kalayaan, Palawan ang LPA na kumikilos patungong Vietnam.
Subalit patuloy pa ring makakaapekto sa southern portion ng Palawan ang mga pag-ulan at thunderstroms dulot ng trough o extension ng LPA.
Bukod dito, may mataas ding tiyansa ng pag-ulan sa malaking parte ng bansa sa sunod na 24 oras dahil sa pag-iral ng iba pang weather systems.
Makakaapekto naman ang maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Isabela, Aurora at Quezon dahil sa epekto ng shear line.
Habang maaaring umiral din ang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Mindano dahil naman sa easterlies.
Maulap na papawirin at pag-ulan din dahil sa amihan ang mararanasan sa Cordillera Administrative Region (CAR) at nalalabing lugar sa Cagayan valley.
Samantala, patuloy naman ang paalala sa publiko na manatiling vigilante sa gitna ng epekto ng 4 na weather systems dahil sa posibleng baha o pagguho ng lupa sa kasagsagan ng pagbuhos ng katamtaman hanggang sa mabibigat na pag-ulan.