Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility ang binabantayang low pressure area (LPA) nitong Sabado ng gabi.
Pero ayon sa PAGASA, wala pa raw itong direktang epekto sa weather system ng bansa.
Gayunman, ang trough o ang outer cloud band ng nasabing LPA ay makaapekto naman sa Visayas at Mindanao.
Paliwanag ng weather bureau, magiging maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa kabuuan ng Mindanao at eastern Visayas.
Habang ang western at central Visayas naman ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin at localized thunderstorms na maaaring may dalang ulan.
Magiging maaliwalas, mainit at maalinsangan naman umano ang panahon sa Luzon, kasama na ang Metro Manila dahil sa pag-iral ng southerly winds.
Huling namataan ang LPA sa layong 890-kms silangan hilagang-silangan ng Guiuan, Eastern Samar nitong Linggo ng alas-3:00 ng umaga.
Bagama’t hindi lalakas sa susunod na 24 oras, posible namang maging tropical depression ito sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw.
Sakaling maging ganap na bagyo, tatawagin itong “Dodong.”