Inanunsyo ng state weather bureau na posibleng hindi maging ganap na bagyo ang Low Pressure Area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ngunit patuloy parin aniya itong magdudulot ng maulap na papawirin at mga pag-ulan sa katimugang Mindanao at ilang bahagi ng Visayas.
Sa weather forecast ng PAGASA tinatayang nasa 645 kilometro silangan ng Southeastern Mindanao ang naturang LPA.
Kung saan maapektuhan ang mga lugar sa Central Visayas, Eastern Visayas, Caraga, Davao Region, at Siquijor, na makakaranas ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan at thunderstorms dulot ng LPA.
Posible ring magdulot ito ng mga pagbaha o landslide dahil sa katamtaman hanggang paminsang paglakas ng ulan.
Samantala, dito sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa asahan na ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan o thunderstorms dulot ng easterlies.
Pinag-iingat naman ang publiko sa posibilidad ng pagbaha o landslide dulot parin ng epekto ng LPA sa bansa.