TACLOBAN CITY – Halos 10 barangay ang apektado matapos na masira ang isang tulay sa bahagi ng Carigara, Leyte, dahil sa walang humpay na pag ulan dulot ng low pressure area (LPA).
Ayon kay Kapitan Prima Azores ng Barangay Uwayan, Carigara, nahihirapan ang mga residente na makalabas sa kani-kanilang barangay bunsod ng pagkasira ng naturang tulay dahil sa baha.
Nabatid na nagbigay ng detour o alternatibong ruta ang mga otoridad pero pahirapan pa rin daw ito sa mga residente dahil sa sobrang layo.
Dahil dito ay pansamantalang sinuspinde ang klase sa nabanggit na lugar.
Una nang nagbabala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council ng red rainfall sa bahagi ng Biliran, Southern Leyte at Leyte, kung saan aasahan ang matinding mga pagbaha at pagguho ng lupa.