Bubungad sa unang araw ng Abril ang pagtataas pa ng presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) sa bansa.
Sa abisong inilabas ng ilang kompanya ng langis, magtataas sa halagang P3.25 ang kada kilogram ng LPG o may katumbas na P35.75 kada 11-kilo standard cylinder, habang papalo naman sa P1.81 ang magiging patong sa kada litro ng Auto LPG.
Nakabatay daw kasi ang naturang pricing sa international contract price ng LPG para sa buwan ng Abril.
Bukod dito ay kakambal din ng pagtaas ng presyo ng LPG ang magkakasunod na malakihang taas presyo sa produktong petrolyo sa bansa. Dahil dito, hihirit ng isa pang round ng fuel subsidy ang ilang grupo ng mga tsuper at operator sa kadahilanang hindi daw sapat ang mga naunang batch ng ayuda na ipinamahagi ng pamahalaan.