-- Advertisements --

Hindi magandang simula ang Pebrero para sa mga mamimili dahil tumaas ang presyo ng cooking gas sa ikalawang sunod na buwan ng taong 2024.

Sa isang advisory, nagpatupad ang ilang kumpanya ng pagtaas ng P0.95 kada kilo sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) ngayon araw ng Huwebes, Pebrero 1.

Katumbas ito ng pagtaas ng P10.45 kada 11-kilogram na tangke.

Ito ay sumasalamin sa international price ng kontrata ng LPG para sa buwan ng Pebrero.

Noong nakaraang buwan, sinalubong ng mga mamimili ang bagong taon na may mabigat na pagtaas ng presyo na aabot sa P3.45 kada kilo, o P37.95 kada tangke.

Ipinapakita ng datos ng Department of Energy na ang umiiral na presyo ng LPG sa Metro Manila hanggang sa pagtatapos ng 2023 ay mula P875 hanggang P1,060 kada cylinder.