Papalawigin pa ang weekday operating hours ng Light Rail Transit 1 (LRT-1) simula bukas, Marso 26.
Sa inilabas na abiso ng pamunuan ng LRT-1 ngayong Martes, inanunsiyo nito na ang last trip mula sa Dr. Santos station sa Parañaque city ay aalis bandang alas-10:30 ng gabi habang ang huling biyahe naman mula sa Fernando Poe Jr. station sa Quezon city ay aalis dakong alas-10:45 ng gabi.
Ang LRT-1 ang ikalawang rail line na nagpalawig pa ng operating hours sa gabi kasunod ng naging hakbang ng Metro rail Transit Line 3 (MRT-3) na naging epektibo noong Lunes, Marso 24.
Ginawa ang extension ng operating hours ng nasabing mga linya ng tren kasunod ng isinagawang inspeksiyon sa MRT-3 noong nakaraang linggo ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na nanawagan sa pamunuan ng mga rail line system na palawigin pa ang kanilang operating hours para gawing mas maalwan at maginhawa ang biyahe ng mga pasahero.