-- Advertisements --
LRT 1 Cavite extension project

Papalitan na ang LRT-1 Roosevelt station at tatawaging Fernando Poe Jr. (FPJ) station simula bukas, Agosto 20.

Ang pagpapalit ng pangalan ng naturang istasyon ay alinsunod sa Republic Act No. 11608 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapalit sa tawag sa Roosevelt Avenue sa Quezon city sa FPJ avenue.

Matatagpuan din ang kinalakihang bahay ng yumaong National artist sa 2.9 kilometers ng Roosevelt Avenue.

Papangunahan ni Senador Grace Poe, ang adopted child ng yumaong Filipino icon, ang seremonya para sa pagpapalit ng pangalan ng istasyon.

Inaasahang dadalo din sina Transportation Secretary Jaime Bautista at LRT Management Corporation president at CEO Juan Alfonso.

Kasabay nito ang unveiling ng bagong marker na nakalagay ang pangalan ng King of Philippine Movies at tampok din ng isang FPJ pop-up exhibit.

Sa isang statement, sinabi ni Senator Poe na umaasa siyang maaalala ng mga tao ang kaniyang ama sa tuwing sasakay sila sa naturang tren.

Saad pa ng Senadora na laging nasa puso ng kaniyang ama ang serbisyo publiko Kayat ang pagbibigay aniya ng ligtas at komportableng biyahe para sa mga pasahero ang isang paraan para mapanatiling buhay ang legasiya ni FPJ.

Magandang regalo din aniya ito para kay FPJ at sa kaniyang mga tagasuporta ang pagkakaroon ng isang FPJ station.

Kung matatandaan, pumanaw si FPJ noong Disyembre 14, 2004 dahil sa stroke sa edad na 65 anyos.

Si FPJ ay isang kilalang multi-awarded actor, producer at director na bumida sa 300 pelikula sa kaniyang 46 taong acting career. Kinilala si FPJ bilang National Artist noong taong 2012.