-- Advertisements --

Pansamantala munang ititigil ang operasyon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) ngayong araw.

Ayon sa Light Rail Manila Corp. (LRMC), ito ay upang magbigay daan sa isasagawang testing ng bagong signaling system ng naturang rail line.

Paliwanag ng pamunuan ay isinagawa ang upgrading sa signaling system ng LRT-1 upang umangkop ito sa mga bagong set ng tren na dumating noong isang taon na nakatakdang gamitin sa kalagitnaang bahagi ng taong ito.

Sinabi rin ng LRMC na muling sususpindihin ang mga biyahe sa tren sa darating na Enero 30 upang makumpleto ang testing sa bagong signaling system na ginagamit para sa maayos na trapiko sa kahabaan ng riles.

Ang LRMC ay isang consortium na kinabibilangan ng Metro Pacific Light Rail Corp., isang subsidiary ng Metro Pacific Investments Corp. na pag-aari ng business tycoon na si Manny Pangilinan.