-- Advertisements --

KALIBO, AKLAN – Kinumpirma ng Provincial Health Office (PHO)-Aklan na isang Locally Stranded Individual (LSI) na lalaki ang namatay ilang araw lamang matapos nitong makarating sa lalawigan.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuatchon Jr. ng PHO-Aklan, ang 56-anyos na LSI ay residente ng Nabas, Aklan at kauuwi lamang mula sa Maynila.

Maari aniya itong ituring na probable case sa COVID-19, subalit may iniinda na itong karamdaman. Sinasabing nagpa-dialysis sa Maynila ang pasyente dahil sa kaniyang sakit.

Isinugod ito sa ospital sa kanilang bayan dahil sa hirap sa paghinga ngunit agad na inilipat sa Aklan Provincial Hospital.

Tumanggi naman ang PHO na magkomento kung isinailalim sa cremation ang bangkay ng pasyente sa Iloilo City.

Nagsagawa naman ng post mortem swab sa pasyente at nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng PHO at Municipal Health Office ng Nabas sa naturang insidente.

Nauna dito, kinumpirma rin ni Dr. Cuatchon na may tatlong bagong kaso ng COVID-19 sa Aklan na pawang LSIs na kinabibilangan ng mag-asawang taga-Libacao, Aklan na mula sa Tondo, Maynila at isang babae na taga bayan ng Kalibo na galing sa Pasay City.