CENTRAL MINDANAO – Nagdulot ng takot sa mga residente sa bayan ng Libungan, Cotabato ang 29-anyos na babae na nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ito ang kinumpirma ni Libungan Mayor Christopher “Amping” Cuan ngunit walang dapat ikabahala ang mga mamamayan dahil nasa isolation room na ang pasyente.
Unang nagpositibo sa rapid test ang biktima na isinagawa sa isolation facility ng probinsya sa University of Southern Mindanao (USM) sa Kabacan, Cotabato kasama pa ang isang locally stranded individual (LSI).
Ang rapid test ay hindi 100% accurate kung positibong nahawaan talaga ng coronavirus disease ang isang pasyente.
Sa kabila nang lumabas na resulta sa rapid test, sinundo pa rin ang dalawang LSI mula sa provincial isolation facility papuntang isolation room ng bayan ng Libungan.
Agad kinunan ng swab test ang dalawang LSI at nagpositibo sa COVID ang babae.
Noong Hunyo 17 dumating ang pasyente at may travel history ito sa Quezon City.
Walang sintomas sa COVID ang pasyente, asymptomatic at nasa maayos na kondisyon.
Ikinagulat din ng alkalde ang inilabas na ulat ng Cotabato Inter-Agency Task Force on COVID-19 na nasa provincial isolation facility ang biktima ngunit nasa isolation room ito ng bayan ng Libungan.
Naglunsad din ng malawakang contact tracing ang Municipal Health Office (MHO-Libungan) sa mga nakasalamuha ng babae na LSI.
Sasailalim sa 45 day quarantine ang pasyente bago ito makalalabas sa isolation room kapag ito ay magnegatibo sa dalawa nitong susunod na swab test.
Sinabi ni Mayor Cuan nagkaroon na nang disinfection at decontamination ang lokal na pamahalaan sa isolation facility at sa barangay kung saan naka-quarantine ang biktima.
Tiniyak ng alkalde na hindi mahihirapan sa pagkain at matutulugan ang pasyente kasama na ang iba pang mga persons under monitoring (PUM) sa bayan na naka-isolate at sumasailalim sa 24/7 strict monitoring.
Samantala, pinasinungalingan naman ni Mayor Cuan ang balitang isasailalim sa lockdown ang bayan ng Libungan matapos magkaroon ng unang COVID-19 positive patient ngunit siniguro nito na maghihigpit muli ang bayan sa mga panuntunang alinsunod sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Nanawagan si Mayor Cuan sa mga residente sa bayan ng Libungan at mga karatig lugar na ‘wag matakot at mangamba dahil nagsisikap ang lokal na pamahalaan katuwang si Vice-Mayor Dr Ronaldo Pader, mga SB members at mga ahensya ng pamahalaan na hindi na kakalat ang nakakahawang sakit.