-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Arestado ang caretaker ng isang quarantine facility sa Sitio Cayangian, Barangay Tinghub, Villaba, Leyte.

Ito’y dahil sa umano’y panggagahasa nito sa isang locally stranded individual (LSI) na naka-quarantine sa nasabing pasilidad.

Sa pamamagitan ng Facebook video statement, kinumpirma ng municipal administrator ng Villaba, na dalawang beses ginahasa ng suspek ang 44-anyos na biktima.

Sa salaysay naman ng biktima, una siyang hinalay ng suspek noong Agosto 15 kung saan pumasok diumano ang caretaker na si Ronnie Condes, 49-anyos, sa kanyang kuwarto.

Hindi na raw nakapanlaban ang biktima dahil sa takot habang tinututukan ng baril.

Pero nitong Agosto 17, ay naulit ang panggagahasa ng suspek.

Dito na aniya siya hindi nagdalawang isip na magsumbong sa mga nurse na bumisita sa kanya.

Kaagad namang ipinaaresto ni Mayor Jorge Veloso ang caretaker.

Ayon kay Veloso, hindi niya kokonsentihin ang ganitong klase ng pang-aabuso kaya tuluyan niya ring pina-terminate si Condes bilang job order employee ng kanilang munisipyo.

Desidido naman na maghain ng kasong rape ang biktima laban sa suspek.