Lubos na nagpasalamat sa Panginoon at kay Pangulong Rodrigo Duterte si outgoing Wesmincom commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana dahil sa pagkakahirang sa kaniya bilang susunod na commanding general ng Philippine Army.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Sobejana, nagpasalamat ito kay Pangulong Duterte sa tiwala at kumpiyansa na ibinigay sa kaniya para pamunuan ang Hukbong Katihan ng Pilipinas.
“God is so good and with that designation… to God be the Glory,” wika pa ni Sobejana.
Si Sobejana ay isang Medal of Valor awardee, ang pinakamataas na parangal na ibinibigay sa isang sundalo dahil sa kabayanihan.
Siya ay graduate ng Philippine Military Academy Hinirang Class of 1987.
Mistah ni Sobejana si Phil. Navy FOIC Vice Admiral Carlo Giovanni Bacordo, TF COVID Shield commander Lt Gen. Guillermo Eleazar at NCRPO chief M/Gen. Debold Sinas.
Bago naging Westmincom chief si Sobejana noong June 2019, siya ang commander ng 6th Infantry Division noong 2018 na nakabase sa Central Mindanao at naging hepe ng Joint Task Force Sulu noong 2017.
Si Sobejana ay “Ranger trained, Special Forces qualified paratrooper at scuba diver.”
Samantala, wala pang itinakdang iskedyul ang liderato ng AFP kung kailan ang turn over ceremony.
Ipinauubaya na rin ni Sobejana higher leadership ang paghirang sa susunod na Wesmincom chief na papalit sa kaniyang iiwang pwesto.
Pero ayon sa heneral dapat ang susunod na commander ng Wesmincom ay may sapat na kaalaman sa dynamics ng peace and order situation sa rehiyon.
“Yong ating mga tao na naninirahan sa areas of responsibility ng Western Mindanao Command ang naging inspirasyon ko upang sa ganon magampanan ko ang aking tungkulin bilang pinuno ng tagabantay ng kapayapaan, so I am very thankful for their unwavering support and cooperation,” pahayag pa ni Sobejana.