Tiwala ang executive director ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na si Atty. Samuel Jardin na hindi siya kabilang sa panibagong listahan ng mga government officials na sisibakin umano ni Pangulong Duterte.
Ito’y sa kabila ng hinaharap nitong reklamo ng korupsyon sa loob ng tanggapan.
Pinalagan ni Jardin ang akusasyon ng isang Michelle Sapangila na nagsabing kinikilan umano ito ng opisyal kapalit ng approval sa aplikasyon nitong Route Measured Capacity.
Batay sa salaysay ng complainant, idinaan nito ang P200,000 na bayad sa isang “Madam Lolit.”
Hiningan din daw ito ng P4.5-milyon na paghahatian ni Jardin at LTFRB chairman Martin Delgra.
Pero ayon sa transport official, imposible ang paratang ng complainant dahil wala umano ang pangalan nito sa listahan ng mga aplikante o operator ng prangkisa.
Hindi rin daw niya kilala ang sinasabing middleman.
Kamakailan nang patawan ng 90-day preventive suspension ni Transportation Sec. Arthur Tugade ang LTFRB official.
Bukod kay Jardin, may isang transport official din umano ang nakatakdang patawan ng parusa dahil sa parehong akusasyon.