Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi muna sila manghuhuli ng mga unconsolidated Public Utility Vehicle pagdating ng Mayo 1, 2024.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty Teofilo Guadiz III, may proseso silang susundin dahil kapag hindi umano nakahabol sa nasabing franchise consolidation ang ilang jeepney drivers at operators ay padadalhan daw muna nila ito ng show cause order.
Hahayaan din daw ng nasabing ahensya na makapagpaliwanag ang mga ito ngunit kung wala itong maibibigay na magandang paliwanag ay saka lamang magbababa ng order ang LTFRB upang ma-revoke ang kanilang prangkisa.
Kung matatandaan una nang sinabi ni Guadiz na pagdating ng Mayo uno ay hindi na umano maaaring pumasada ang mga tsuper ng jeep na hindi nagpa-consolidate dahil ituturing na silang mga kolorum.
Sa ngayon nananatiling sa Abril 30, 2024 na lamang deadline para sa consolidation para sa mga prangkisa ng naturang mga sasakyan at hindi na ito maaaring maurong pa dahil ito na ang pang walong adjustment at extension para sa naturang deadline.