Hindi pinagbigyan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kahilingan ng ilang grupo ng mga tsuper at operator ng jeepney na dagdagan ng piso ang minimum fare sa mga pampublikong transportasyon.
Ito ay sa gitna pa rin ng walang humpay na pagsipa ng presyo sa produktong petrolyo sa bansa na itinuturong epekto ng lumalala pang sigalot ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Nakasaad sa statement na inilabas ng LTFRB na hindi nito pahihintulutan ang naturang petisyon ng mga transport group na 1-Utak, Pasang Masda, ALDTODAP, ACTO, na dagdagan pa ang minimum na pasahe sa mga jeep.
Ibig sabihin nito ay mananatiling P9 ang halaga ng minimum fare sa unang apat na kilometro.
Paliwanag ng LTFRB, bagama’t kinikilala nito ang panawagan ng mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon ay hindi pa rin anila dapat na maging insensitive ang mga ito sa magiging kalagayan ng maraming Pilipino sa tuwing magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin na domino effect sa pagdadagdag ng pamasahe.
Kailangan din anila na isaalang-alang ang mga argumento ng National Economic Development Authority (NEDA) na ang pagpapasa ng pasanin sa mga consumer tulad ng pagtataas sa pamasahe ay magiging kabawasan sa purchasing power ng general public.
Magugunita na una rito ay sinabi na rin ng NEDA na ang anumang petisyon para sa fare adjustment ay mahalaga sa publiko dahil maaaring makaapekto ito sa mga presyo ng iba pang pangunahing bilihin at serbisyo.
Samantala, sa naturang pahayag ay binanggit din ng LTFRB ang iba pang remedyo ng administrasyon upang tugunan ang sunud-sunod na oil price hike tulad ng fuel subsidy program para sa transport sector.
Sa kabilang banda naman ay ang kasalukuyan pa ring naghihintay ang ilan pang transport group sa magiging desisyon ng nasabing ahensya hinggil naman sa hiwalay na petisyon na gawing P14 ang kasalukuyang P9 na minimum fare.
Gaganapin naman ang pagdinig ukol dito sa darating na Marso 22.