-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang bus consortium dahil sa umano’y pagdeploy nito ng wala pang 50% ng kanilang mga bus.

Ito kasi ang itinuturong dahilan kung bakit nagkaroon ng mahabang pila ng mga pasherong hindi makasakay sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Sa isang statement ay humingi ng paumanhin ang LTFRB para sa pagka-delay ng mga byahe at ibinahagi na rin ang resulta ng kanilang inisyal na imbestigasyon.

Batay sa mga impormasyong kanilang nakalap, halos nasa kalahati lang ng 510 na mga bus na awtorisadong bumabaybay sa Angat-Quezon Avenue sa Commonwealth Avenue ang idineploy ng operator nito na United Mega Manila Bus Consortium Inc. (NAT Transportation).

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng kagawaran upang panagutin ang operator nito.

Samantala, nakatakda naman na buksan ng LTFRB ang marami pang mga ruta ng sasakyan ngayong linggo.

Para sa modern public utility jeepneys ay inaasahan na nasa anim na rutang dadaanan ng 158 units ang muling magbubukas; 76 na ruta naman, na may 4,135 units ang bubuksan para sa mga tradisyunal na jeepney; isang ruta para sa 19 modernong UV Express na sasakyan at 20 ruta para sa 2,783 tradisyonal na UV Express na sasakyan.