Binigyang diin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang mga mas murang modernong public utility vehicles (PUV) ay mabibili ng mga transport cooperative.
Ang pahayag ay kasabay ng iginiit na walang sinasabi o hindi makikialam ang gobyerno sa kanilang pagbili ng mga modernong jeep.
Simabi ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz III na isang lokal at isang Japanese manufacturer ang nag-aalok na ng mga modernong jeepney na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P900,000.
Sa P280,000 subsidy na ibinibigay ng gobyerno kada unit sa ilalim ng PUV modernization program (PUVMP), sinabi ni Guadiz na mas bumaba ang presyo sa P700,000.
Ang pahayag ay naging tugon sa mga batikos na ang mga modernong PUV na inangkat mula sa China ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang P1.8 milyon hanggang P2.8 milyon kada unit.
Sinabi ni Land Transportation Office Technical Division chief Joel Bolano na sa kasalukuyan ay may 54 iba’t ibang modernong PUV na gawa ng ilang manufacturers na accredited ng Department of Trade and Industry (DTI) na nakapasa sa Philippine National Standard (PNS).
Sinabi ni Bolano na ang desisyon kung aling mga PUV ang bibilhin ay nananatiling nasa kamay lamang ng mga transport cooperative o korporasyon.