-- Advertisements --

Inatasan ni Senador Raffy Tulfo ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na inspeksyunin ang lahat ng mekaniko sa mga motorpool ng bus company kung saan dapat aniya ay sertipikado ng TESDA. 

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services ukol sa magna carta ng mga commuters o mananakay, napansin ng senador ang sunud-sunod na aksidente ng mga bus sa iba’t ibang lugar sa bansa. 

Inamin ni LTFRB Executive Director Robert Peig na hindi sila nagsasagawa ng inspeksyon sa mga motorpool upang tiyaking sertipikado ang mga mekaniko na nagmimintina ng mga bus. 

Sinabi ni Tulfo, ang mga kinukuha raw kasi na mga mekaniko ng mga bus company ay hindi sertipikado at sa halip ay “marunong” lang magkumpuni. 

Kaya pinasisilip ngayon ni Tulfo sa ahensya ang mga nagmimintina na mga mekaniko sa motorpool at dapat sibakin ang mga ito kung hindi naman sertipikado. 

Sinabi naman ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Jesus Ferdinand Ortega na wala sa trabaho ng LTFRB na mag-inspect ng mga motorpool at hanggang sa terminal lamang. 

Kaya naman maglalabas ng guidelines ang DOTr na mag-aatas sa LTFRB na silipin ang mga motorpool o lugar kung saan minimintina ang mga pampublikong sasakyan. 

Batay sa pinakahuling insidente ng bus na ibinahagi ni Tulfo, inararo ng bus ang isang karinderya sa Nasugbu, Batangas noong December 16, 2024. 

Magkakasa si Tulfo ng pagdinig sa susunod na linggo upang maimbestigahan aniya ang pangyayari at mailatag ang dapat gawin ng awtoridad sa ganitong mga pagkakataon.