-- Advertisements --
Martin delgra LTFRB
LTFRB Chairman Martin Delgra

Naglabas na rin ngayon nang kautusan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa lahat ng mga public utility vehicle operators at mga automatic fare collection system providers na hindi pababayaran ang mga cards o beep card para sa mga pasahero.

Ang hakbang ng LTFRB ay kasunod nang pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na ibigay nang libre ang mga beep cards sa EDSA busway system.

Batay sa LTFRB Memorandum Circular (MC) 2020-057 o “Removal of Fees of AFCS Cards Charged to Commuters Apart from Fare Load,” kinakailangang walang gastusin ang pasahero maliban lamang sa kanyang pamasahe tuwing sumasakay sa pampublikong sasakyan upang hindi na makadagdag pa sa pasanin ng mga commuter.

Sinasabing karamihan kasing sumasakay ngayon sa pampublikong sasakyan ay mga ordinaryong manggagawa na kababalik pa lamang sa trabaho at bumabawi pa lang sa pagkawala ng kanilang kita matapos ipatupad ang istriktong community quarantine sa bansa.

LTFRB beep cards

Una na ring sinuspinde ng DOTr ang mandatory na paggamit ng beep card matapos na hindi pumayag ang operator na AF Payments Inc. na maging libre ang card sa mananakay sa carousel buses.

Ayon sa service provider, ang ibinebenta na P80 na beep card ay wala umano silang tubo at subsidized pa nga raw ito.

Sa ngayon nasa 125,000 cards ang ibibigay na rin na libre sa mga mananakay.

Epektibo naman ang kautusan ng LTFRB simula sa Biyernes, Oktubre 9.

“The safety of the commuting public has always been our priority whenever LTFRB implements its policies, especially during this pandemic. Despite the unfortunate circumstance, the agency will continue to strengthen its enforcement of safety guidelines until such time that the cashless payment in the EDSA Busway route will resume,” ani LTFRB Chairman Martin Delgra.