Nangako ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipapamahagi kaagad ang fuel subsidy sa mga driver kapag nakuha na nila ang pondo, sa gitnang patuloy na tumataas ang presyo ng gasolina.
Ayon kay LTFRB Technical division Chief Joel Bolano, hinihintay na lamang ng kanilang tanggapan na ma-download ang pondo para maproseso nila ang subsidy.
Aniya, isang bagsak lang o isahang pagbibigay ang fuel subsidy dahil ang fund kung ita-tranche ay mas maliit na ang magiging halaga.
May kabuuang 1.3 milyong driver at operator sa buong bansa ang makikinabang sa fuel subsidy at makakatanggap ng iba’t ibang halaga:
Mga tradisyunal na jeepney driver/operator – P6,500
Mga modernong jeepney driver/operator – P10,000
Tricycle – P1,000
Mga Rider – P1,200
Nang tanungin kung bakit makakatanggap ang mga driver ng iba’t ibang halaga ng cash aid, sinabi ng LTFRB na ito ay batay sa kanilang operational cost at fuel consumption.
Nauna nang sinabi ng budget department na hinahangad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang mas mabilis na paglulunsad ng P3-bilyong fuel subsidy para sa mga drivers at operators ng mga pampublikong sasakyan.